Sumasamba sa Kalakilakihang Lumalang ng Sanglibutan.
Ang tunay na pagsamba na inihahandog sa Kalakilakihang Lumalang ay kailangang pangunahan ng mabuting mga gawain.
Lagi nang pamalagiin ang iyong pag-iisip sa isang wagas na kalagayan, upang lumitaw na karapat-dapat sa harap ng iyong budhi.
Ibigin ang iyong kapwa katulad ng pag-ibig sa iyong sarili.
Huwag kang gumawa ng masama sa pag-aatabay ng kabutihan.
Gawin ang mabuti nang dahil sa pag-ibig sa kabutihan din.
Pahalagahan ang mabubuti, ibigin ang mahihina, ilagan ang masasama, datapwa’t huwag kapootan ang sinuman.
Huwag hibuan ang iyong kapatid pagka’t yaon ay isang kataksilan; sakaling tinutuya ka, ikatakot na mapagbago ka niya.
Pakinggan lagi na ang tinig ng iyong budhi.
Maging ama ka ng mahihirap; bawa’t taghoy nang dahil sa iyong katigasan, ay mga iba pa ng maraming sumpang babagsak sa iyong ulo.
Igalang ang manlalakbay na taga-ibang bansa, tulungan mo siya, ang kanyang pagkatao ay kagalang-galang sa iyo.
Iwasan ang pakikipag-away, magpigil sa mga paglalait, bayaan na ang matuwid ay manatili sa iyong piling.
Bahaginan ng iyong tinapay ang nagugutom, at ang mga mahihirap at mangingibang bayan ay patuluyin mo sa iyong bahay; kalian man at nakita mong hubad ay takpan mo at huwag mong hamakin, ang laman mo ay kanya rin.
Huwag kang magpakabigla sa pagkagalit, sapagka’t ang kapootan ay namamahay sa kandungan ng hangal.
Sumpain ang kasakiman, dahil sa ang nagpapakalaki sa kayamanan ay walang mahihintay na pakinabang, at ito ay kalupaan din.
Ilagan ang mga walang kinikilalang Diyos, sapagka’t mawawasak ang kanyang bahay, subali’t ang paninda ng mga ganap ay mamulaklak.
Sa landas ng puri at ng katarungan ay doroon ang buhay, subali’t ang landas na ligaw, ay naghahatid sa kamatayan.
Ang puso ng mga paham ay siyang pinagsasagawaan ng kabaitan, at sa puso ng mga hangal ay doon ipinagdiriwang ang karangyaan.
Igalang ang mga babae, huwag pagsamantalahan ang kanilang kahinaan at higit sa lahat ay huwag isipin ang kanilang kapanganyayaan.
Kung mayroon kang isang anak ay ikagalak mo, datapuwa’t pangilabutan ka diyan sa lagak na ipinagkatiwala sa iyo. Gawin mong sa loob ng sampung taon ay matakot sa iyo; hanggang dalawampu ay ibigin ka; at hanggang kamatayan ay igalang ka. Hanggang sampung taon, ikaw ang kanyang guro, hanggang dalawampu ay kanyang Ama, at hanggang kamatayan ay kanyang kaibigan. Pag-isipang mabigyan ng mabubuting simulain kaysa magagandang bukas na maging utang sa iyo ang mga katwirang marilag at hindi karangyaang walang kabuluhan. Gawing isang taong may dangal kaysa isang taong bihasa.
Kung ikinahihiya mo ang iyong kalagayan ay may kapalaluan ka; isiping yaon ay di magbibigay sa iyo ng karangalan ni kaduhaginan; ang paraan ng iyong panunuparan ang siyang magpapakilala ng isa sa isa.
Basahin at mapapakinabangan, masdan at tularan, muni-muniin at gawin, magpaka-abalang lagi na sa kagalingan ng iyong mga Kapatid at gagawa ng sa sarili mo.
Magkasiya ka sa lahat, dahil sa lahat at ng sa lahat.
Huwag kang huhula karaka sa anyo ng mga tao, huwag hamakin gayon din purihin at pagsikapang makilala munang mabuti ang mga puso, upang mapahalagahan ang mga gawain.
Sa harap ng mga profano maging malayang walang pahintulot, dakilang walang pagpapalalo, kababaang ugaling hindi hamak, at sa katipunan ng mga Kapatid, matining na walang katigasang ulo, matigas ang kaloobang walang imik at masunuring hindi alipin.
Katamtamang makipag-usap sa mga nakatataas sa kanya, mahinahon sa kanyang mga kapantay, buong pagtatapat sa kanyang mga kaibigan, katamisang ugali sa mga nakaliliit sa kanya at walang hanggang kabaitan sa mga dukha.
Tapat at buong katapangang ipagtanggol ang mga naaapi, kalingain ang mga walang kamalayan nang di salintanahin ang mga gawaing naipaglingkod.
Wastong pagpapahalaga sa mga tao at sa mga bagay-bagay na ang tanging pagbabatayan ay ang mga ginawa, maging ano man ang kanyang katungkulan, kalagayan at kariwasaan.
Sa araw na lumaganap ang Simulaing ito sa Sangtinakpan, ang Sangkatauhan ay magiging maligaya, at ang Masoneria ay nakatapos na ang kanyang Gawain at maaawit na ang tagumpay ng kawastuan.
Logia Magdalo Blg. 79
KIDLAT/10-9-6003